Electoral protest case ni dating Senador Marcos, malabo umanong mapagbotohan ng Korte Suprema bago magretiro ngayong Oktubre si Chief Justice Lucas Bersamin
Duda si Chief Justice Lucas Bersamin na makakapagbotohan nila sa Electoral Protest case ni dating Senador Bongbong Marcos bago siya magretiro sa October 17.
Ayon kay Bersamin, madami pang isyu na kailangang talakayin sa protesta bukod sa isyu ng recount at revision ng mga balota.
Pagkatapos naman anya ng October 17 ay magkakaroon ng break ang Supreme Court.
Kinumpirma ni Bersamin na tatalakayin muli sa En Banc Session ng Korte Suprema bukas ang Marcos Poll protest.
Anya linggu-linggo naman ay kasama sa agenda ng Supreme Court en Banc ang kaso.
Itinanggi rin ni Bersamin ang sinasabing nagkaroon na sila ng 8-6 na botohan sa report na isinumite ni Justice Alfredo Benjamin Caguioa ukol sa naging resulta ng recount sa tatlong pilot provinces sa protesta ni Marcos.
Ulat ni Moira Encina