Emergency and response teams ng Santa Rosa City, Laguna nakaantabay para sa mga posibleng mangyari sa pagdaan ng Bagyong Rolly
Handa na ang mga tauhan ng Emergency and Disaster teams ng Santa Rosa City, Laguna sa pagresponde sa mga posibleng mangyari sa pagdaan ng bagyong Rolly.
Ayon sa Santa Rosa City government, nagsagawa ng briefing ang City Disaster Risk Reduction Management Office kasama ang mga kawani ng Santa Rosa City Police Station, Santa Rosa City Fire Station at mga tauhan ng BDRRMO ng mga barangay.
Tiniyak ng CDRRMO na may nagbabantay sa mga flood-prone at high-risk areas sa Santa Rosa.
Sinimula na rin ng LGU ang pre-emptive evacuation sa mga low-lying areas na maaaring bahain.
Una nang nakipag-ugnayan na ang city government at mga barangay sa Division of Schools of Santa Rosa para magamit pansamantala ang mga paaralan bilang evacuation centers.
Pinaalala din sa disaster teams ang pagpapatupad at pagsunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield at pagobserba sa physical distancing.
Moira Encina