Emergency approval ng Moderna COVID-19 vaccine, inirekomenda ng US panel
WASHINGTON, United States (AFP) — Nagbotohan ang isang US panel of experts upang irekomenda ang emergency approval ng COVID-19 vaccine ng Moderna.
Inaasahang magbibigay na ang Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) sa Moderna, na magiging ikalawang bakunang inaprubahan sa America.
Sa ginawang botohan ng panel, 20 ang bumoto ng pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain.
Ang panel ay inatasang sagutin ang tanong na ito: “Based on the totality of scientific evidence available, do the benefits of the Moderna COVID-19 Vaccine outweigh its risks for use in individuals 18 years of age and older?”
Ang pulong ay ginawa habang ang bilang ng mga nasasawi dahil sa coronavirus ay mabilis na tumataas at malapit nang umabot sa 310,000 sa bansang pinakagrabeng tinamaan sa buong mundo, na sa linggong ito ay nagsimula nang magbakuna sa g health care workers at long-term care residents ng bakunang gawa ng Pfizer.
Ang bakuna ng Moderna at Pfizer ay kapwa base sa mRNA (messenger ribonucleic acid) technology, na hindi pa naaprubahan bago nagkaroon ng pandemya, at kapwa rin ito kailangang ibigay ng dalawang beses.
Bagamat ang level of protection laban sa COVID-19 para sa dalawang bakuna ay 95 percent , mas malaki kaysa inaasahan ng mga eksperto, may ilang katao na sa buong mundo ang nagkaroon ng allergic reactions matapos mabakunahan ng Pfizer vaccine.
Malamang na ang US, na nakapagtala na ng higit 17 milyong kaso ng virus, ang unang bansa na magbibigay ng approval para sa Moderna vaccine.
Ang maliit na Massachusetts-based biotech firm ay nakipagtulungan sa scientists mula sa US National Institutes of Health, at nakatanggap ng higit $2.5 billion mula sa gobyerno ng US para sa bakuna.
Lumitaw sa clinical trial ng 30,400 katao na ito ay 94.1 percent effective para mapigilan ang COVID-19, kumpara sa isang placebo.
Lumitaw naman sa isang FDA review ng lahat ng available data, na walang nakitang “specific safety concerns.”
Subalit nitong Huwebes, sinabi ni FDA official Doran Fink na sakaling ipagkaloob ang EUA, ang ahensya ay magpapalabas ng isang warning label kaugnay ng potensyal na allergic reactions ng bakuna.
Bunsod ito ng pagkakaroon ng allergic reactions ng dalawang health care workers sa Alaska na binigyan ng Pfizer vaccine, kung saan na-ospital pa ang isa sa kanila. Nagkaroon din ng kaparehong reactions ang dalawang health worker sa UK.
Ang pinaka karaniwang side effects na iniuugnay sa bakuna na tinatawag na mRNA-1273, ay injection site pain, fatigue, headache, muscle pain, joint pain at chills.
Ang allergic reactions ay nangyari sa 1.5 ng vaccinated population kumpara sa 1.1 percent ng non-vaccinated, subalit wala ni isa ang nasa klasipikasyon ng “severe.”
Mayroong tatlong ulat tungkol sa Bell’s palsy, isang kondisyon ng paralisis sa mukha, na kadalasan ay pansamantala, sa pangkat ng binigyan ng bakuna at isa naman sa pangkat na binigyan ng placebo.
Ayon sa FDA, walang sapat na impormasyon upang matukoy na ang sanhi nito ay ang bakuna o ang placebo, subalit patuloy nila iyong imo-monitor.
© Agence France-Presse