Emergency blast para sa kandidatura ni dating Senador Bongbong Marcos, iniimbestigahan na ng NTC
Iniutos na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang imbestigasyon sa kumalat na emergency alert habang naghahain si dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos ng kaniyang Certificate of Candidacy kahapon.
Sa inilabas na memorandum ng NTC, na pirmado ni Commissioner Gamaliel Cordova , inaatasan nito ang director ng regulations branch na si Imelda Walciens na tingnan ang isyu at agad maglabas ng desisyon hinggil dito.
Ang emergency alert ay natanggap ng ilang mobile phone subscribers ilang minuto pagkatapos maghain ni Marcos ng COC.
Katulad din ito ng mensahe na natatanggap kapag may bagyo o lindol.
Sa lumabas na emergency alert nakasulat ng buong-buo ang “Malasakit sa bansa, Buong Buhay na maialay sa taongbayan, Bagong Bukas para sa Masa” at may hashtag na BBM2022.
Nauna nang itinanggi ng National Disaster Risk, Reduction and Management Council (NDRRMC) na sa kanila nagmula ang nasabing mensahe.
Sa panayam ng Balitalakayan kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, maaaring iligal aniya ang mobile set-up na ginamit dito.
May mga teknolohiya o grupo aniya kasi na hindi hawak ng Telcos na nakakakuha ng mga kagamitan para makagawa ng mga ganyang mensahe pero sa isang partikular na lugar lamang ito umuubra.