Emergency loan program, alok ng GSIS sa mga quake victim
Simula ngayong araw, August 5 ay makakapag-avail na ng emergency loan ang mga miyembro ng gsis at pensioners na naapektuhan ng malakas na lindol sa Abra.
Ayon sa GSIS, tinatayang nasa 7,000 ang GSIS members sa Abra.
Sa pahayag, sinabi ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na handa ang ahensya na tumulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Ginawa ni Veloso ang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking makatatanggap ng kinakailangang tulong sa gobyerno ang mga naapektuhang pamilya.
Gayunman, maaari lamang makapag-avail ng programa ang mga residenteng naninirahan sa mga deklaradong calamity area.
Hanggang Setyembre 4 maaaring makapag-apply ng loan ang mga aktibong GSIS member, kahit ang mga old-age disability pensioner.
Aabot sa 20,000 pesos na loan ang maaaring ipagkaloob na emergency loan para sa mga wala pang existing emergency loans.
Habang nasa 40,000 naman ang maaaring mahiram ng isang aktibong miyembro na may eksistidong emergency loan.
ibabawas na lamang sa kanilang proceeds ang kabuuan nilang balanse.
Ayon sa ahensya, nagdeploy na sila ng mga portable GSIS wireless automated processing system kiosk sa ilang lugar sa Abra para sa kaginhawaan ng mga loan applicant.