Emergency Room ng PGH, isinara muna matapos ang nangyaring sunog kahapon
Pansamantalang isinara ang Emergency room ng Philippine General Hospital kasunod ng nangyaring sunog kahapon.
Ayon kay Dr. Gap Legaspi, Director ng PGH, itinigil rin ang kanilang Surgical procedures dahil apektado rin sa pangyayari ang kanilang operating rooms.
“Sarado ang operating room. We will give update pag open na. Safety ng pasyente kinoconsider namin kasi plastic ang nasunog posibleng toxic. Maamoy pa kasi ang usok” – Dr. Legaspi
Pero aminado si Legaspi na malaki ang naapektuhan ng pagsasara lalu na’t ang sa PGH lang aniya nagagawa ang maraming surgery kada araw.
Umaasa naman si Legaspi na sa lalong madaling panahon ay makababalik sila agad sa normal na operasyon.
Pero sakaling nagkaroon ng epekto ang nangyaring sunog sa istruktura ng gusali kung saan naroon rin ang kanilang operating rooms, may lugar silang maaaring paglipatan.
Hahanapan na lang aniya nila ng pondo ang ilang gamit na naapektuhan dahil sa sunog.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Legaspi na hindi naapektuhan ang kanilang mga pasyente na nasa Covid ward.
Bukas posibleng balik na rin aniya sila sa full capacity bilang Covid-19 referral hospital.
Kanina personal na nagtungo sa PGH sina DPWH Secretary Mark Villar, Vaccine Czar Carlito Galvez at Manila Mayor Isko Moreno para inspeksyunin ang lugar kung saan nangyari ang sunog.
Umapila naman si Manila Mayor Isko Moreno ng breast milk para sa mga sanggol mula sa PGH na pansamantalang inilipat sa ilang District hospital sa lungsod.
Tiniyak naman ni Galvez ang aksyon ng Gobyerno para maiwasang maulit ang mga ganitong insidente.
Madz Moratillo