Energy company, kinasuhan sa DOJ dahil sa paggamit ng pekeng importer’s clearance certificate
Sinampahan ng reklamong kriminal ng Bureau of Internal Revenue o BIR sa Department of Justice o DOJ ang isang energy company sa Makati City dahil sa paggamit ng pekeng importer’s clearance certificate.
Mga reklamong paglabag sa Section 257 ng National Internal Revenue code o Using falsified or fake provisional BIR importer’s clearance certificate at paglabag sa Article 172 ng Revised Penal code o Use of falsified documents ang inihain ng BIR laban sa Mirae Asia energy corporation.
Kasama sa mga kinasuhan ng BIR ang mga opisyal ng Mirae na sina Christopher Walter S. Lim, Craig Oliver Marsh at Sung Woo Yang sa kanilang kapasidad bilang Presidente at mga direktor.
Ayon sa BIR, noong 2014 nagsumite ang Mirae sa Bureau of Customs ng Provisional BIR-ICC para sa importation purposes.
Pero nang suriin ng BIR ang nasabing ICC ay hindi ito tumugma sa database ng inisyung Clearance Certificate ng kawanihan.
Kumbinsido ang BIR na sinadya ng kumpanya na gumamit ng fake ICC para maiwawang magbayad ng tamang buwis.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===