Enforcers at sweepers binigyan ng MMDA ng ‘heat stroke break’
Magkakaroon ng karagdagang 30-minutong “heat stroke break” ang traffic enforcers at street sweepers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hanggang sa katapusan ng Mayo, upang maprotektahan sila mula sa pagkakasakit ngayong tag-init.
Nilagdaan ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes ang isang memorandum circular para sa re-implementation ng “heat stroke break” policy, para proteksiyunan ang field personnel mula sa heat exhaustion, heat stroke at heat cramps, dahil sa labis na init.
Sinabi ni Artes, na sa ilalim ng polisiya, ang on-duty traffic enforcers at street sweepers ay papayagan na palitang umalis sa kanilang puwesto para sa kanilang 30-minute break upang makapagpahinga.
Para sa traffic enforcers na ang shift ay mula ala-5:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon, ang kaniyang “heat stroke break” ay simula alas-10:00 – 10:30 ng umaga o alas-10:30 – 11:00 ng umaga; para naman sa ang shift ay mula ala-1:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi, ang kanilang break time ay mula alas-2:30 – 3:00 ng hapon o alas-3:00 – 3:30 ng hapon: sa mga ang shift ang mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon, ang “heat stroke break” nila ay mula alas-11:00 – 11:30 ng umaga o alas-11:30 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali; at para sa may shift na alas-2:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi, ang kanilang break ay mula alas-3:00 – 3:30 ng hapon o alas-3:30 – 4:00 ng hapon.
Sa street sweepers na ang shift ay mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon, ang prescribed “heat stroke break” ay alas-11:00 – 11:30 ng umaga o alas-11:30 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali, kapag naman ang shift ay alas-7:00 ng umahahanggang alas-4:00 ng hapon, susundin nila ang 12 noon to 1 p.m. regular break time; at para sa may trabaho mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi, ang break time nila ay alas-2:30 – 3:00 ng hapon o alas-3:00 – 3:30 ng hapon.
Ayon kay Artes . . . “The heatstroke break shall be done alternately by those who are assigned in a particular area to maintain visibility of traffic enforcers and street sweepers and to ensure field operations are not hampered.”
Ang field personnel ay maaari ring gumamit ng karagdagang 15 minutong break time sakaling ang heat index o ang “human discomfort index” sa Metro Manila ay umabot sa 40 degrees Celsius pataas.