Engkuwentro sa pagitan ng militar at NPA sa Mati city, Davao Oriental, kinondena
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa engkuwentro ng militar at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa National highway ng Sitio Tagawisan, Barangay Badas, Mati city.
Mariing kinondena ni Mati Mayor Michelle Nakpil Rabat ang insidente ng pananambang ng mga armadong grupo sa puwersa ng militar.
Sinabi ng alkalde na lubhang naapektuhan ang kabuhayan ng kanilang magsasaka kasunod ng insidente.
Umabot aniya ng halos 2 oras ang trapiko matapos pansamantalang isara ang kalsada dahil sa engkuwentro.
Paliwanag ng alkalde, ang nasabing national highway ang tanging nagsisilbing daanan ng mga magsasaka para dalhin sa pamilihan ang kanilang mga produkto.
Umapila naman si Rabat sa publiko na manatiling kalmado pero nakaalerto.
HIndi aniya sila papayag na maulit ang ganitong klase ng insidente na nagdulot ng epekto sa kanilang ekonomiya.
Batay sa ulat, binabaybay ng tropa ng militar ang Banaybanay, Davao Oriental nang pagbabarilin ng mga rebeldeng NPA.
Nagmula umano ang mga sundalo sa Barangay Taguibo Mati city.