UK, palalaksin pa ang kanilang COVID-19 testing matapos maka-detect ng 11 S. African variant
LONDON, United Kingdom (Agence France-Presse) — Sinabi ng health officials na agad nilang palalakasin ang testing sa walong lugar sa magkabilang panig ng England, kung saan halos isang dosenang South African COVID-19 variant cases ang natukoy sa nakalipas na linggo.
Ang 11 kaso na natukoy sa isinagawang genomic sequencing sa random samples ng positive coronavirus results, ay hindi nagmula sa international travel, kaya pinangangambahang nagkaroon na ng localised transmission.
Magkakaroon ng mobile at door-to-door testing sa mga apektadong lugar, na tahanan ng nasa 80,000 katao at kinabibilangan ng ilang lugar sa London at sa Southeast, maging sa West Midlands, Eastern at Northwest England.
Ayon kay Health Secretary Matt Hancock, ang mga nakatira sa natukoy na mga lugar kung saan nila palalakasin ang testing, ay dapat na manatiling nasa kanilang tahanan at mahalagang makapagpatest ang mga ito kahit na walang sintomas.
Ang mas nakahahawang variant na unang natukoy sa South Africa, ay mabilis na kumakalat sa buong mundo, at nitong nakalipas na linggo ay na-detect na rin sa Amerika sa unang pagkakataon.
Nangangamba ang mga scientist tungkol sa mutation, dahil tila kaya nitong labanan ang epekto ng mga kasalukuyang bakuna at synthetic antibody treatments, bagamat sinasabi ng ilang kompanya na kayang labanan ng kanilang bakuna ang naturang variant.
Ang Britain ay naka-detect na ng 105 cases ng strain mula nang lumitaw ito noong Disyembre.
Kaugnay nito, nagpatupad sila ng travel ban sa flights at arrivals mula South Africa sa huling bahagi ng nasabing buwan, at pinaigting ang kanilang quarantine at iba pang mga hakbang para sa lahat ng incoming travellers.
Una nang umasa ang mga opisyal na makapipigil iyon sa pagpasok ng bagong variant, subalit ang 11 bagong mga kaso na walang travel links ay ikinabahala ng mga kinauukulan.
Gayunman, sa anim sa walong mga lugar kung saan natukoy ang variant noong nagdaang linggo, ang infections ay natukoy sa mga indibidwal lamang at hindi sa grupo ng mga tao.
Liza Flores