Enhanced Community Quarantine, ipinatupad na sa buong lungsod ng Tabuk, Kalinga
Sinimulan nang ipatupad nitong Lunes, Enero 25, ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong lungsod ng Tabuk.
Kaugnay nito ay namahagi ang mga tauhan ng barangay ng Home Quarantine Pass o HQP sa kanilang mga nasasakupan.
Pinagtibay ng Tabuk ang paggamit ng HQP, upang matulungan ang bawat sambahayan na makalabas at makabili ng pangunahing kailangan gaya ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang kalakal at serbisyo.
Subalit isa lamang miyembro sa bawat pamilya ang maaaring lumabas.
Samantala, hinigpitan na ng mga awtoridad ang pagbabantay sa checkpoints at pagpapatupad ng stay-at-home policy at curfew hours para sa health and safety protocols, upang makontrol ang galaw ng mga tao dahil na rin sa patuloy na pagdami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa lugar.
Ang curfew hours ay ipatutupad mula alas-9:00 ng gabi hanggang ala-5:00 ng umaga. Bawal din ang pagbebenta at pagbili ng mga alak.
Sinumang hindi susunod sa mga nabanggit na protocols ay papatawan ng kaukulang parusa.
Ulat ni Esther Batnag