ePayment para sa mga small claims cases, inilunsad ng Korte Suprema
Isasailalim sa pilot test sa halos isang libong korte sa bansa ang online payment ng legal fees para sa small claims cases.
Ito ay matapos lumagda sa memorandum of agreement ang Korte Suprema at ang may-ari ng mobile wallet app na Fortune Pay.
Dahil dito, maaari nang tumanggap ang lahat ng metropolitan trial courts, municipal trial courts in cities, municipal trial courts, at municipal circuit trial courts ng digital payments sa pamamagitan ng Fortune Pay mobile application.
Pangunahing lumagda sa MOA sina Court Administrator Jose Midas Marquez at Easypay Global EMI Corp. (EGEC) President Paul Ian Chan.
Isinagawa ang paglagda sa kasunduan sa Division Hearing Room ng Korte Suprema at Rizal Park Hotel sa Ermita, Maynila.
Ang nasabing ePayment services ay i-integrate sa Judiciary ePayment Solution na kasalukuyang idini-develop ng SC.
Una nang lumagda ng kasunduan ang Korte Suprema sa Union Bank para sa pagbuo ng ePayment solution sa hudikatura.
Ang Judiciary ePayment Solution ay isang app na idinisenyo para magkaroon ng opsyon ang SC at ang lahat ng hukumam sa bansa na tumanggap ng bayad digitally mula sa mga litigants, kanilang abogado at mga kinatawan.
Layon nito na mapadali at maisaayos ang proseso ng assessment at payment ng court fees at mapataas ang transparency, accountability, at ang auditing mechanisms ng Korte Suprema.
Moira Encina