Epekto ng bagyong Dante, naramdaman din sa Bataan
Naramdaman din ang epekto ng pananalasa ng bagyong Dante sa lalawigan ng Bataan, partikular sa baybaying dagat ng Mariveles na tinumbok ng bagyo, kaya itinaas ng PAGASA ang signal no. 2 sa naturang probinsiya.
Ayon sa time-to-time update ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office o MDRRMO Mariveles, nabuwal ang ilang puno, poste at mga kawad ng kuryente na nagdulot ng pagkawala sa suplay ng kuryente sa ilang barangay.
Agad namang nagsagawa ng clearing operation ang MDRRMO, Bureau ot Fire Protection (BFP) at PENELCO Electric Cooperative ng Mariveles.
Samantala, nakapagtala ang MDRRMO Mariveles ng 22 pamilya o 86 na mga indibidwal, na lumikas sa mga evacuation center bago pa man manalasa ang bagyo.
Mula ang mga ito sa apat na barangay na kinabibilangan ng Barangay Cabcaben, Baseco Country, Ipag at Townsite.
Mabilis namang ipinag-utos ni Mariveles Mayor Atty. Jocelyn Castañeda sa Municipal Social Welfare Department (MSWD), na mamahagi ng relief goods sa mga pamilyang lumikas.
Ipinag-utos din nito sa Municipal Health Office (MHO), na i-monitor ang mga pamilyang nasa evacuation center.
Itinuturing namang tagumpay ni Mayor Castañeda ang paghahandang ginawa ng MDRRMO Council sa pagpasok ng bagyo sa Mariveles, dahil walang napaulat na nasawi o major damages, bagama’t may isang bangka na nawasak sa baybayin habang nakaranas naman ng pagbaha ang ilang barangay, subalit mabilis din naman iyong humupa.
Patuloy ang ginagawang paglilibot ng MDRRMO, BFP, mga opisyal ng barangay, PNP Mariveles, Maritime group at Phil. Coast Guard sa mga barangay, upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Ulat ni Larry Biscocho