Epekto ng pagsusuot ng facemask sa ating dental health
Mandatory ang pagsusoot ng face mask sa tuwing lalabas ng bahay, papasok ng trabaho, maging ang pagsusoot ng face shield lalo na kung sasakay ng mass transport, papasok sa mga mall, etc.
Bahagi ito ng health protocols ng new normal dahil sa Covid-19 pandemic. Sa kabila nito, ang kalusugan naman ng ating bibig ay madalas na binabalewala ng marami at kung kailan lang may malalang problema saka maaalala ang dentista.
Bukod dito, hindi rin halos na ang kalusugan ng bibig ay maaaring maapektuhan ng pandemya, dahil ang ngipin, gilagid, dila, pisngi, lalamunan ay dinaraanan ng ating paghinga.
Dahil natatakpan ang ating ilong at bibig ng facemask at karagdagang faceshield, nabago ang paraan ng ating paghinga na halos di natin napapansin na sa bibig na tayo humihinga dahil may takip din ang ating ilong.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang tamang paghinga ay sa ilong dahil dyan nanggagaling ang nitric oxide sa ating katawan para sa kalusugan ng mga daluyan ng dugo natin at siya ang pumamatay ng bacteria sa loob ng ating karawan.
Ang masamang epekto naman kapag sa bibig humihinga ay ang pagkakaroon ng dry mouth o panunuyo ng labi, dila, pisngi, gilagid, ngipin at lalamunan.
Ang paghinga sa bibig ay nakakatuyo ng laway natin na siyang nagsisilbing protection at pinapanatiling basa at madulas ang bibig tulad ng isang grasa o langis para di magasgas.
Ang Dry mouth na dulot ng paghinga sa bibig ay maaring magbigay ng iba’t ibang karamdaman sa kalusugan ng bibig tulad ng pagdurugo at sakit sa gilagid, pangingilo at pagkabulok ng ngipin, maasim o mabahong hininga,mga singaw na tutubo sa dila pisngi at gilagid, pamamaga ng lalamunan, at ang paglunok at paghinga din ay pwede maapektuhan.
Kaya natin ito pinag-uusapan ay para inyong malaman na ang kalusugan ng bibig ay apektado dahil sa ang bibig ng mga tao ay madalas na sarado.
Para mapanatili o matulungan ang kalusugan ng bibig natin sa panahon ng pandemya ay obligasyon natin uminom palagi ng tubig o laging basain ang bibig para iwas karamdaman tulad ng sakit sa gilagid at ngipin.
Kaya laging tatandaan, para manatili ang kalusugan ng bibig, laging uminom ng tubig.