Epekto ng Tropical Depression “Vicky” minomonitor ni Pangulong Duterte
Minomonitor ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang epekto ng Tropical Depression “Vicky.”
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na handa na rin ang mga ahensya ng gobyerno para sa rescue at reliefoperations sa mga apektadong residente.
Ayon kay Roque, hanggang nitong Biyernes, December 18, 2020, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Central Office (CO), Field Offices (FOs), at National Resource Operations Center (NROC), ay mayroon nang stockpiles at standby funds na nagkakahalaga ng P779,958,349.25, kasama na ang kabuuang 230,191 family food packs (FFPs).
Aniya, inihanda na rin ng Department of Health (DOH) ang mga gamot at medinina para sa mga apektadong regional at provincial DOH offices.
Ang mga inihandang team naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay nagsasagawa na ng clearing operations.
Sa kabilang dako, ang Philippine National Police (PNP) ay nakapag deploy na ng 1,590 Search and Rescue (SAR) personnel, hanggang ala-6:00 ng umaga nitong Sabado, December 19, 2020.
Pinuri naman ng Malakanyang ang local government units (LGUs) ng mga apektadong lugar para sa napapanahong preparasyon at kahandaan sa pagresponde sa epekto ng Tropical Depression Vicky sa kani-kanilang lokalidad.
Liza Flores