Epekto sa ekonomiya ng alert level 3 sa NCR kaya pang habulin ngayong 1st quarter ng taon – Malakanyang
Naniniwala ang Malakanyang na mahahabol pa ang epekto sa ekonomiya ng pagpapatupad ng alert level 3 sa National Capital Region o NCR dahil sa paglobo na naman ng kaso ng COVID -19 dulot ng omicron variant.
Sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez nasa umpisa pa lamang ng first quarter ng taon kaya maaari pang makapag-adjust sa economic projections habang patuloy na pinakikiharapan ang problema sa pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Lopez, hindi naman tuluyang sarado ang mga negosyo sa ilalim ng alert level 3 dahil pinapayagan ang 30 percent indoor capacity sa mga business establishment at 50 percent sa outdoor.
Inihayag ni Lopez huwag lang lumala ang sitwasyon ng kaso ng COVID-19 na hahantong sa pagpapatupad ng alert level 4 o alert level 5 dahil muli na namang magsasara ang operasyon ng mga negosyo.
Niliwanag ni Lopez kailangang panatilihing buhay ang ekonomiya ng bansa upang unti-unting makakabangon ang buhay at kabuhayan na nalugmok dahil sa halos dalawang taon ng pananalasa ng COVID-19.
Vic Somintac