Erap admin walang pangakong binitiwan sa China – Mercado
Duda si dating Senador at Defense Secretary Orly Mercado sa sinasabing commitment sa China ni dating Pangulong Joseph Estrada para alisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa harap ito ng pagbubunyag ni dating Ambassador at Presidential Spokesperson Rigoberto Tiglao na ang administrasyon ni Estrada ang nangako na tatanggalin ang lumang war ship na nagsisilbing outpost ng Philippine Navy at ng Marines sa pinagtatalunang teritoryo.
Sa panahon ni Mercado sa Department of National Defense nang pasyahang magsadsad ng barko ng bansa sa Ayungin Shoal bilang reaksyon sa pagsakop ng China sa Mischief Reef.
Sa panayam ng programang Ano sa Palagay Nyo? O ASPN, sinabi ni Mercado na wala siyang alam na ganitong kasunduan.
“Well, ako I was never a party to any promise na ia-atras yan, and I don’t think the president, president Erap during that time made a promise. He knew na ito ay importante sa atin na hindi tayo mawawalan, in any event Pres Marcos Jr. stated very clearly na kung meron mang naipangako sa kanila, eh wala its been rescinded already,” paliwanag ni Mercado.
Sinabi ni Mercado may isang miyembro ng Gabinete noon ni Pangulong Estrada ang mahigpit na tumututol sa ginawang sadyang pagsadsad ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito aniya ay si dating Foreign Affairs Secretary Domingo Siazon Jr.
“ I am not aware of any promise, and I did not make any promise, pero I was aware of the fact that Sec. Siazon and I were on the opposite views on this matter, i do not want to attribute anything during that time as written in the book by marites vitug, yung book niyang Rock Solid, sinasabi niya, she was quoting joe almonte who was saying that jun siazon during that time was interested in running for sec gen of UN, and was a little hesitant to upset the chinese, becoz their vote would be critical, i don’t know, I’m not privy to any plans or data with that matter, I’m just quoting what has been written about jun siazon during that time,” dagdag pa ng dating Defense Chief.
Bukod sa BRP Sierra Madre, sinabi ni Mercado na nagsadsad pa ng isang barko ang Pilipinas sa Scarborough Shoal – ang BRP Benguet.
Ngunit dahil wala aniyang consistency ang gobyerno, inalis ito at nawalan ng kontrol ang bansa sa teritoryo.
At maging ang dapat sana’y maintenance sa BRP Sierra Madre hindi na rin nagawa.
“Nagprotesta sila pero nagsadsad tayo ng isa pa,yung BRP Benguet dito sa Scarborough, kung hindi natin tinanggal yan tayo ang may effective control, unfortunately hindi tayo consistent, ang nangyayari rito, wala tayong larawan ng mahabaang labanan yung tinatawag na strategy, magaling tayo sa tactics tapos ngayon tayo ang iniipit,” sabi pa ni Mercado
Weng dela Fuente