ERAP, mananatiling alkalde ng Maynila – COMELEC
Mananatiling alkalde ng Maynila si dating Pangulong Joseph Estrada matapos ibasura ng Commission on Elections panel ang petisyon na inihain ni Alfredo Lim na ipawalang bisa ang pagkapanalo ni ERAP noong May 2016 elections.
Sa isang resolusyon na may Petsang Pebrero 23, sinabi ng COMELEC First Division na hindi naihain ang petisyon ni Lim sa tamang oras.
Ayon sa COMELEC, ang disqualification petition ni Lim na ibinase sa Section 68 ng Omnibus Election Code ay inihain noong Mayo 18, 2016 o walong araw matapos maiproklamang nanalong alkalde si Estrada.
Ibinasura rin ng panel ang hirit ni Lim na bawiin ang pagkaproklama kay Estrada dahil ilegal na pagsasagawa ng City Board of Canvassers ng canvassing ng boto sa pamamagitan ng manual uploading ng mga resulta.
Sinabi naman ng poll body na ang manual uploading ng resulta ng halalan ay nasa ilalim ngCOMELEC Resolution No. 10083 bilang contingency measure sakaling magkaroon ng electronic failure.