ERC Chairman Jose Vicente Salazar hindi nakakuha ng TRO mula sa CA kaugnay ng suspensiyong ipinataw ng Malacanang
Hindi nakakuha ng TRO mula sa Court of Appeals si Energy Regulatory Commission Chairman Jose Vicente Salazar kaugnay sa preventive suspension na ipinataw sa kanya ng Office of the President noong Mayo.
Si Salazar ay muling sinuspinde nitong nakaraang Miyerkules ng Malacañang sa loob ng apat na buwan dahil sa kaso nitong insubordination.
Pero una nang dumulog si Salazar sa CA matapos ang siyamnapung araw na preventive suspension ng Palasyo sa kanya noong Mayo habang iniimbestigahan sa mga alegasyon ng katiwalian.
Sa ruling ng CA Eight Division noong June 17, hindi inaksyunan ng hukuman ang hiling ni Salazar na ipahinto ang nasabing preventive suspension.
Sa halip ay inatasan ng Appellate Court ang mga opisyal ng Malacañang na maghain ng komento at magpaliwanag kung bakit hindi dapat paboran ng CA ang hirit na TRO at writ of preliminary injunction ni Salazar.
Ang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Celia Librea-Leagogo at kinatigan nina Associate Justices Amy Lazaro-Javier at Pedro Corales.
Si Salazar ay sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ng mga empleyado ng ERC dahil sa sinasabing kwestyunableng appointment ng ilang opisyal.
Nahaharap din siya sa mga akusasyon ng paglabag sa procurement law, serious dishonesty, gross neglect of duty, at grave misconduct.
Ulat ni: Moira Encina