Ernie Gawilan ng Pilipinas, umabante na sa finals ng men’s 400m freestyle sa Tokyo Paralympics
Pasok na sa finals ng men’s 400m freestyle S7, si Ernie Gawilan ng Pilipinas makaraang magtapos ng 6th overall sa kalipunan ng siyam na competitors sa Tokyo Paralympic Games, sa Tokyo Aquatic Centre.
Si Gawilan ay naorasan ng 4:58.58 para sa 4th spot sa Heat 2.
Ito na ang ikalawang event ni Gawilan sa Paralympic Games, at ang unang pagkakataon na siya ay na-qualify para sa medal round, matapos mabigong umabante sa finals ng men’s 200m individual medley S7 noong Biyernes.
Nagtakda naman ng panibagong Paralympic record ang world record holder na si Mark Malyar ng Israel, na natapos sa unang puwesto sa record na 4:41.82 sa Heat 2, kung saan dinaig nito ang dating record na 4:42.81 na ginawa ni Josef Craig ng Great Britain noong 2012 sa London.
Samantala, nagtapos sa second overall sa oras na 4:45.53 si Federico Bicelli ng Italya, habang nasa third naman si Inaki Basiloff ng Argentina sa oras na 4:46.17. Ang dalawa ay kapwa nasa Heat 2.
Nasa fourth overall naman si Andril Trusov ng Ukraine na may record na 4:57.23 sa Heat 1, habang si Evan Austin ng Estados Unidos ang nasa ika-limang puwesto sa oras na 4:57.35 sa kaparehong preliminary round.
Ang Singaporean na si Toh Wei Soong na may record na 5:03.82 sa Heat 1 ay natapos sa seventh overall at nasa eighth overall naman si Hen Liang-da ng Taiwan sa oras na 5:15.89 sa Heat 2.