Eroplanong lulan ang bise presidente ng Malawi, nawawala
Isang military aircraft ang napaulat na nawawala makaraang mabigong lumapag nitong Lunes ng umaga, ayon sa gobyerno.
Sa isang pahayag ay sinabi ng gobyerno, “All efforts by aviation authorities to make contact with the aircraft since it went off the radar have failed thus far.”
Nakasaad pa rito na inatasan na ni Pangulong Lazarus Chakwera ang regional at national forces na magsagawa ng “agarang search and rescue operation” upang matunton ang kinaroroonan ng aircraft.
Lulan ng eroplanong umalis ilang sandali makalipas ang alas-9:00 ng umaga nitong Lunes, ang 51-anyos na bise presidente ng Malawi na si Saulos Chilima at siyam na iba pa.
Ang grupo ay galing sa Lilongwe, kapitolyo ng Malawi at patungo sana sa siyudad ng Mzuzu para sa burol ng isang dating cabinet minister.
Sa kaniyang pagsasalita sa isang South African television station kagabi, sinabi ni Malawi information minister Moses Kunkuyu. “The government was awaiting further details on the incident from the army. At the moment we are keeping our fingers crossed and praying.”
Ayon sa local media reports, hinahanap na ng mga sundalo ang nawawalang aircraft gamit ang mga sulo, sa Chikangawa forest sa timog ng Mzuzu.
May kumalat namang iba’t ibang hindi kumpirmadong mga ulat, na nakita ng ilang saksi ang isang eroplano na bumagsak sa kagubatan Lunes ng umaga.
Samantala, kinansela na ni Chakwera, na nakatakda sanang magtungo sa Bahamas para sa isang working visit, ang kaniyang biyahe.
Nakatakda sana niyang i-address ang bansa sa pamamagitan ng isang televised speech.
Noong 2022, si Chilima ay inalisan ng kapangyarihan makaraang maaresto at kasuhan ng graft kaugnay ng isang bribery scandal na kinasasangkutan ng isang British-Malawian businessman.
Noong nakaraang buwan, ibinasura ng isang Malawian court ang mga kaso.