Escrow Account Provision ng panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers sa Kamara tinutulan ng grupo ng mga seafarer
Kinokontra ng samahan ng seafarers ang Escrow Account Provision na nakapaloob sa House Bill 7325 o Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sinabi ni Butch Elabu Presidente ng Amor Seaman o Association of Maritime Officers and Rating na may miyembrong 40 libong seafarers na hindi sila tutol sa panukalang batas sa Kongreso na Magna Carta for Filipino Seafarers dahil para ito sa kapakanan ng mga marino.
Ayon kay Elabu ang mariin nilang tinututulan ay ang Section 51 ng House Bill 7325 na anumang claims ng mga seafarer laban sa kanilang Manning agency kung nagkaroon ng problema matapos desisyunan ng National Labor Relations Commission o NLRC ay hindi agad matatanggap hanggat walang final decision ang Korte Suprema.
Inihayag naman ni Jacinto Rivera Spokesman ng AMOR Seaman na anti seafarers ang Section 51 ng House Bill 7325 dahil ito ay pumapabor lamang sa mga ship owners at manning agencies.
Iginiit ni Rivera batay sa umiiral na labor code ng bansa anumang kaso na naipanalo ng isang manggagawa laban sa kanyang employer matapos desisyunan ng NLRC ay agad na matatanggap.
Batay sa record ng Mababang Kapulungan ng Kongreso lumusot na sa second reading ang panukalang Magna Carta for Filipino Seafarers kung saan nakapaloob ang Escrow Account Provision na ang ibig sabihin hindi muna makukuha ng nagreklamong seaman ang kanyang claim matapos desisyunan ng NLRC hanggat walang pinal na desisyon ang Korte Suprema.
Vic Somintac