Esperon ipinanood sa Korte Suprema ang video ni Joma Sison na nagpapangalan sa mga kaalyadong grupo ng CPP-NPA-NDFP
Ipinakita ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa mga mahistrado ng Korte Suprema ang video ng talumpati ni Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison kung saan tinukoy nito ang mga kaalyadong grupo sa armadong pakikipagbaka.
Sa oral arguments sa Anti- Terror law petitions, sinabi ni Esperon na ang speech ay ginawa ni Sison sa ika-48 anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front noong Abril 24.
Aniya kinukumpirma ng pahayag ni Sison ang matagal na nilang hinala na may underground mass organizations na konektado sa CPP-NPA-NDFP.
Tinawag pa ni Esperon na “number one red- tagger” at “master red-tagger” si Sison dahil sa pagtukoy nito mismo sa mga kaalyadong organisasyon.
Sa nasabing video, pinangalanan ni Sison ang 16 na kaalyadong grupo ng CPP- NPA-NDFP.
Ang mga ito ay ang:
- Revolutionary Council of Trade Unions
- Katipunan ng mga Samahang Manggagawa
- Pambansang Katipunan ng Magbubukid
- Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan
- Kabataang Makabayan
- Katipunan ng Gurong Makabayan
- Makabayang Samahan Pangkalusugan
- Liga ng Agham para sa Bayan
- Lupon ng Manananggol para sa Bayan
- Artista at Manunulat Para sa Sambayanan
- Makabayang Kawaning Pilipino
- Revolutionary Organization of Overseas Filipinos and their Families
- Christians for National Liberation
- Cordillera People’s Democratic Front
- Moro Resistance and Liberation Organization
- Revolutionary Organization of Lumads
Samantala, ipinanood din ni Esperon sa mga SC justices ang talumpati ni Sison noong 1987 kung saan inisa-isa nito ang mga legal organization na kasama nila sa armadong rebelyon.
Ang mga ito ay ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Kilusang Mayo Uno (KMU), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Gabriela Women’s Alliance, League of Filipino Students, Alliance of Concerned Teachers, KADENA, at Partido ng Bayan.
Sinabi pa ni Esperon na ang mga naturang grupo ay kabilang sa International League of People’s Struggle na nagpupulong kada taon at pinangungunahan ni Sison.
Ang pinakahuling pulong aniya ng grupo ay noong 2020 sa Hongkong.
Kabilang aniya sa mga dumalo ay ang mga kasapi sa Alliance of Concerned Teachers, Anakbayan, KMU, BAYAN, Gabriela, at iba pa.
Iginiit ni Esperon na hindi red-tagging ang ginagawa nila kundi “truth-tagging” para hindi maloko ang publiko ng CPP-NPA-NDF sa nais nito na armadong rebelyon upang mapalitan ang pamahalaan.
Moira Encina