EU, sinimulan na ang paglulunsad ng bakuna
PARIS, France (AFP) – Sinimulan na ng European Union (EU) ang paglulunsad ng bakuna nitong Sabado, habang napilitan naman ang mga bansang kasapi nito na muling magpatupad ng lockdown bunsod ng bagong strain ng coronavirus na patuloy na kumakalat sa Britanya, at pinaniniwalaang mas nakahahawa.
Ang pandemya ay ikinasawi na ng higit 1.7 milyong katao subali’t patuloy pa ring lumalaganap sa maraming mga bansa sa buong mundo, subalit ang paglulunsad kamakailan ng vaccination campaigns ay nagpasigla sa pag-asang mahihinto na ito sa 2021.
Ilang oras bago dumating ang unang doses ng bakuna sa France, kinumpirma ng health ministry ng Paris na na-detect na nila ang unang kaso ng bagong variant ng COVID-19 sa isang indibidwal na kababalik pa lamang galing ng Britain.
Ilang bansa na ang nag-ulat tungkol sa mga kaso ng bagong strain, na nagdulot ng pangamba sa health services.
Sa Sydney naman ay wala ang karaniwang Boxing Day sale rush sa mga lansangan, dahil nakinig ang mga residente sa kahilingan ng mga opisyal ng estado na manatili na lamang sila sa kanilang bahay dahil sa bagong virus cluster.
Sa magkabilang panig ng mundo, ang mga tao ay hinihimok na irespeto ang social distancing guidelines, habang nakiusap naman ang World Health Organisation (WHO) ang publiko na huwag sayangin ang napakalaking sakripisyo na ginawa ng marami para makapagsagip ng buhay.
Ayon sa French health ministry, ang unang French case ng bagong coronavirus variant ay natagpuan sa isang indibidwal na residente ng Britain na dumating mula sa London noong December 19.
Siya ay asymptomatic at naka-self isolate na sa isang bahay sa Tours na nasa central France, at nagsagawa na rin ng contact-tracing para sa health professionals na gumamot sa kaniya.
Ang bagong strain ng virus, na pinangangambahan ng mga eksperto na mas nakahahawa, ay nagbunsod para ang higit sa 50 mga bansa ay magpatupad ng travel restrictions sa UK, kung saan ito unang lumitaw.
Subalit may mga naiulat din ng bagong variant sa iba pang mga bansa sa buong mundo. Nitong Biyernes, kinumpirma ng Japan ang limang infections sa mga pasaherong galing ng UK, habang may mga napaulat ding kaso sa Denmark, Lebanon, Germany, Australia at sa Netherlands.
May na-detect din ang South Africa na kaparehong mutation sa ilang infected individuals, subalit nitong Biyernes ay itinanggi ang inaangkin ng Britain na ang strain sa South Africa ay mas mapanganib kaysa sa nagmula sa UK.
Ang pagsasara ng UK-France border sa loob ng 48-oras ay naging sanhi ng pagkaantala sa byahe ng 10,000 mga trak sa southeast England, kung saan maraming mga tsuper ang na-stranded.
May ilang mga bansa na bahagyang nagluwag ng kanilang restrictions para sa holiday ang muling naghigpit, isa na rito ang Austria na muling nagpatupad ng curfew nitong Sabadp hanggang sa Enero 24, 2021.
Milyun-milyon naman ang naapektuhan sa United Kingdom, matapos maghigpit ng restriksyon doon kung saan higit 40% ng populasyon ng England ang naapektuhan ng mas mahigpit na restrictions kabilang na ang pagsasara ng lahat ng non-essential businesses at paglilimita sa social contacts.
Nagsimula na ring magpatupad ng bagong lockdowns sa Scotland at Northern Ireland nitong Sabado, at ang Wales ay muling nagpatupad ng restrictions matapos itong luwagan para sa holiday.
Higit 25 milyong infections ang naitala sa Europe, ayon sa isang AFP tally nitong Biyernes.
Samantala, sisimulan naman sa Linggo ang pagbabakuna sa lahat ng 27 bansa ng European Union, matapos aprubahan ng regulators ang Pfizer-BioNTech vaccine noong December 21.
Habang ipinamamahagi naman ang mga bakuna sa magkabilang panig ng mundo, nagbabala naman si WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus nitong Biyernes na ang bakuna ay nag-aalok ng daan para mapigilan ang trahedya, subalit aabutin pa ng matagal na panahon para ang buong mundo ay mabakunahan.
© Agence France-Presse