Europe health official nagbabala na maaaring bumilis ang pagdami ng mga kaso ng monkeypox
Nagbabala ang isang pangunahing health official ng Europe, na maaaring bumilis ang pagdami ng mga kaso ng monkeypox virus sa mga susunod na buwan.
Ayon kay WHO regional director for Europe Hans Kluge . . . “As we enter the summer season… with mass gatherings, festivals and parties, I am concerned that transmission could accelerate”.
Ang virus, ay una nang nakita sa central at west Africa, ngunit nitong nagdaang ilang linggo ay may na-detect na mga kaso sa mga bansa sa Europa gaya ng Portugal at Sweden, maging sa Estados Unidos, Canada at Australia, kung saan tinawag ni Kluge na “atypical” ang pagkalat nito.
Aniya . . . “All but one of the recent cases have no relevant travel history to areas where monkeypox is endemic.’
Sinabi ni Kluge, na karamihan sa initial cases ng sakit ay mula sa mga kalalakihan na nagkaroon ng ugnayang seksuwal sa kapwa nila lalaki, na nagtungo sa sexual health clinics para magpagamot.
Ayon kay Kluge . . . “Transmission may have been ongoing for sometime.”
Inihayag ng World Health Organization (WHO), na iniimbestigahan nito ang katotohanang marami sa mga napaulat na kaso ay mula sa mga taong itinuturing na ‘gay, bisexual o mga lalaking nagkaroon ng ugnayang seksuwal sa kapwa nila lalaki.’
Ang pahayag ng opisyal ay ginawa nang iulat ng France, Belgium at Germany ang una nilang mga kaso ng monkeypox, at kinumpirma ng Italy na ngayon ay mayroon na silang magkakaugnay na kaso ng sakit.
Ang tatlong kumpirmadong kaso ng monkeypox sa Belgium noong Biyernes, ay iniuugnay sa isang large-scale fetish festival sa port city ng Antwerp, ayon sa organisers ng Darklands Festival.
Sinabi ng French authorities, na na-infect ng virus ang isang 29 anyos na lalaking nakatira sa lugar na kinabibilangan ng Paris.
Sa Espanya naman, iniulat ng health ministry ang pitong kumpirmadong kaso, at hinihintay ang kumpirmasyon ng 23 iba pa.
Subali’t isang regional health official ang nagsabi na nakapagtala ang mga awtoridad ng 21 kumpirmadong mga kaso sa Madrid region, na karamihan ay iniuugnay sa isang gay-friendly sauna na nasa gitna ng kapitolyo.
Malamang na ang nasabing bilang ay hindi pa kasama sa nationwide tally. Nakapagtala naman ang Portugal ng 23 confirmed cases.
Nitong Biyernes ay nakapag-ulat ang UK health officials ng 11 pang kumpirmadong kaso sa England, kaya’t 20 na ang kabuuang bilang nito.
Ayon kay UK Health Security Agency (UKHSA) chief medical adviser, Susan Hopkins . . . “I expected this increase to continue in the coming days and for more cases to be identified in the wider community.’
Partikular na hinimok ni Hopkins ang mga gay at bisexual na alamin kung sila ay mayroong sintomas, sa pagsasabing kapandin-pansin na ang bilang ng mga kaso sa Europe at UK ay galing sa nasabing grupo.
Sinabi ng UKHSA, na ang monkeypox ay hindi dating inilalarawan bilang isang sexually transmitted infection.
Maaari iyong mailipat sa pamamagitan ng contact sa skin lesions at droplets ng isang kontaminadong tao, maging sa shared items gaya ng bedding at towels.
Sa tweet naman ni UK Health Secretary Sajid Javid nakasaad . . . “Most cases are mild and I can confirm we have procured further doses of vaccines that are effective against monkeypox.”
Kabilang sa sintomas ng monkeypox ay lagnat, muscle aches, swollen lymph nodes, chills, exhaustion at rashes na parang katulad ng sa bulutong na matatagpuan sa mga kamay at mukha.
Ang unang kaso sa UK ay inanunsiyo noong Mayo 7, isang pasyenteng kagagaling lamang mula sa Nigeria. Dalawa pang kaso ang naiulat makalipas ang isang linggo, mula sa mga taong nasa iisang bahay pero wala silang kaugnayan sa unang kaso.
Sinabi ng UKHSA na apat pang kaso ng infection ang inanunsiyo noong Mayo 16, na lahat ay nabatid na gay, bisexual o mga lalaking nagkaroon ng kaugnayang seksuwal sa kapwa nila lalaki.
Sinabi nito na dalawang bagong kaso na iniulat noong Mayo 18 ay wala ring kasaysayan ng paglalakbay sa mga bansa kung saan ang virus ay endemic at “posibleng nakuha nila ang impeksyon sa pamamagitan ng community transmission.” Hindi na ito nagbigay ng iba pang detalye kaugnay ng napaulat na kaso nitong Biyernes.
Noong Huwebes, inihayag ng mga awtoridad sa kalusugan sa Italya ang unang kaso ng monkeypox sa bansa, isang binata na kamakailan ay bumalik mula sa Canary Islands.
Noong Biyernes sinabi nila na dalawa pang kaso, na nauugnay sa “patient zero,” ang nakumpirma. Karaniwang nawawala ang monkeypox pagkatapos ng dalawa hanggang apat na linggo, ayon sa WHO.