Evacuation plan ng mga Pinoy migrant workers sa Taiwan dapat unahin ng gobyerno
Dapat iprayoridad muna ng gobyerno ang pagkumpleto sa evacuation plan ng mga Pinoy migrant workers sa Taiwan, sa halip na unahin ang hirit ng Estados Unidos na relokasyon sa Pilipinas ng Afghan refugees.
Ayon kay Senador Imee Marcos na chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang evacuation plan ang dapat na unahing asikasuhin ng humanitarian at disaster response efforts ng bansa at ng U.S. sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Ang US aniya ay naghahanda na ng evacuation plan para sa mga Amerikano sa Taiwan, gayundin ang Indonesia para sa kanilang nasa 350,000 migrant workers.
Kaya ang kuwestiyon ng senadora, kung may preparasyon na ba ang gobyerno para sa mga Pinoy na maaring madamay sa bakbakan.
Duda si Marcos sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), na mayroon nang naikasang komprehensibong evacuation plan para sa 150,000 Pinoy domestic workers, mga caregiver, factory employees, at mga mangingisda na nasa Taiwan.
Ito’y kapag sinimulan nang sakupin ng China ang itinuturing nitong renegade province o ‘ayaw pasakop’ na lalawigan.
Iginiit ng mambabatas na kailangang detalyado kung saan at paano ililikas ang mga OFW sa Taiwan, at anong flight o ruta ng barko ang ligtas para malampasan ang anumang military blockade.
Mean Corvera