Ex- BOC officer pinatawan ng parusang pagkakabilanggo ng korte dahil sa pagsisinungaling sa SALN
Hinatulang guilty sa falsification ng korte sa Maynila ang isang dating Bureau of Customs (BOC) officer dahil sa kabiguan ideklara sa 2010 SALN ang kanyang business interests.
Ayon sa Department of Finance, ipinagutos ng Manila Regional Trial Court na ikulong at pagbayarin si Delia Morala na dating Customs Operations Officer V.
Sinabi ng DOF na napatunayan ng prosekusyon sa korte na nagsinungaling o gumawa ng untruthful statement sa kanyang SALN si Morala.
Ito ay matapos na hindi ideklara ni Morala na ang asawa nito ay incorporator at stockholder ng isang real estate firm.
Sinentensyahan ang dating Customs officer ng parusang pagkakakulong na 2 taon, 4 na buwan at isang araw hanggang 8 taon at isang araw.
Pinagbabayad din si Morala ng P5,000 multa.
Ang conviction kay Morala ay bunsod ng ilang kriminal na kaso na inihain noong 2017 ng Office of the Ombudsman.
Nag-ugat naman ito sa reklamo ng Revenue Integrity Protection Service ng DOF.
Moira Encina