Ex-BuCor OIC Ragos maaaring maharap din sa reklamong perjury sa DOJ
Gaya ni Kerwin Espinosa, posibleng maharap din sa kasong perjury si dating BuCor OIC at NBI Deputy Director for Intelligence Rafael Ragos dahil sa pag-retract nito sa mga testimonya ilang taon matapos na isangkot si Senadora Leila de Lima sa Bilibid drug trade.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring maharap sa perjury ang isang tao na kusang-loob na nanumpa nang walang katotohanang testimonya at gumawa ng isa pang pahayag na under oath na kinukontra ang naunang sinumpaang salaysay
Ayon pa sa kalihim, puwedeng ihain sa DOJ ng sinumang interesadong partido ang anumang reklamo ng perjury sa mga testigo na binabawi ang mga naunang salaysay.
Ilan sa puwedeng maghain ng perjury ay sa mga institusyon o tao kung saan ginawa ang kasinungalingan gaya ng NBI at mga komite sa Senado at Kamara.
Aniya sa oras na isampa ang reklamo sa DOJ ay magsasagawa ito ng mga pagdinig para determinahin kung may sapat na basehan para isulong ang kasong perjury sa korte laban sa recanting witness.
Sa hiwalay na statement ng Office of the Prosecutor General, binanggit nito ang isang jurisprudence ng korte na nagsasabing hindi mapagkakatiwalaan ang mga recanted testimonies.
Diskumpiyado rin anila ang mga hukuman sa mga pag-retract ng mga testigo sa mga salaysay na inihayag sa korte at malabong magpatawag ang judge ng panibagong paglilitis batay sa binawing testimonya.
Moira Encina