Ex- DOH chief: Mga tao na wala pang Covid booster, ‘di pa maituturing na fully-vaccinated
Dapat daw na ituring na undervaccinated ang mga tao na wala pang COVID-19 booster shot.
Ayon kay dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo 1st District Representative Janette Garin, dapat maunawaan ng mamamayan na hindi kumpleto ang proteksiyon laban sa nasabing virus kung wala pa itong third dose ng bakuna o booster shot.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang kongresista sa Department of Health (DOH) na baguhin ang kahulugan ng fully-immunized na indibiduwal lalo na’t lumakas pa ang virus.
Sinabi pa ni Garin na ang mga undervaccinated ay maaari pa ring masawi o ma-admit sa intensive care units.
Paliwanag pa ni Garin, apat ang gamit ng bakuna.
Ang una ay para maiwasan ang pagkamatay; ikalawa ay maging mild lang ang tama ng sakit; ikatlo ay para maiwasan ang transmission; at ikaapat ay mahadlangan ang mutations ng virus.
Iminungkahi rin ni Garin na magkaroon ng libreng gamot para sa Covid tulad ng paxlovid, molnupiravir, at remdisivir dahil na rin sa pagpasok sa bansa ng mas malalakas na Omicron subvariants.
Hinikayat din ng dating health chief ang gobyerno na magpataw ng price ceiling sa mga gamot at iba pang specific commodities kaugnay sa Covid.
Isa naman aniya sa paraan para tumaas ang bilang ng mga nagpapa-booster ay ang pagbibigay ng kompensasyon at libreng pamasahe papuntang vaccination sites lalo na sa mga tao mula sa malalayo at mahihirap na lugar.
Una nang inilunsad ng DOH ang “PinasLakas” na nationwide booster campaign upang mas dumami pa ang mga Pinoy na magpaturok ng booster at mapanatili ang immunity ng bansa laban sa Covid.
Moira Encina