Ex-DOJ Sec.Aguirre ipinakita ang video na nagpapatunay na hindi pinilit si dating BuCor OIC Rafael Ragos na tumestigo vs De Lima
Muling pinasinungalingan ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang paratang ni dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos na pinilit niya ito na idiin si dating Senador Leila de Lima sa illegal drug trading sa Bilibid.
Una nang binawi sa korte ni Ragos ang testimonya niya laban kay De Lima kaugnay sa kasong iligal na droga dahil pinilit lamang umano siya ni Aguirre na ituro ang dating senadora.
Sa pagtunton muli sa DOJ ng dating kalihim, ipinapanood nito sa media ang video ni Ragos habang kinukuhanan ito ng supplemental affidavit noon ng Public Attorney’s Office.
Sinabi ni Aguirre na nakakuha siya ng kopya ng video ni Ragos mula sa PAO.
Aniya, makikita sa video recording ang demeanor ni Ragos na magpapatunay na hindi naman ito pinuwersa sa mga testimonya nito.
Ayon pa sa dating kalihim, pinapatunayan sa video na masaya, spontaneous at boluntaryo ang pagbibigay ni Ragos ng testimonya.
Handa naman si Aguirre na sumalang sa hukuman sakaling siya ay iharap na testigo ng DOJ.
Giit pa ni Aguirre, maraming pagkakataon noon si Ragos para isiwalat na pinuwersa lang siya o kaya naman ay kasuhan siya nito ng coercion pero hindi ito ginawa ng dating BuCor at NBI official.
Posible naman aniyang maharap din sa patung-patong na reklamong perjury si Ragos dahil sa retraction nito.
Naniniwala pa si Aguirre na may malaking tao na nasa likod ni Ragos at maaaring nasuhulan ito.
Nagkita at nagkausap naman nang saglit sina Aguirre at Justice Secretary Crispin Remulla sa DOJ.
Pero hindi naman aniya nila napagusapan ang ukol sa kaso ni Ragos at ni De Lima.
Moira Encina