Ex-DOJ Sec. Aguirre pinabulaanan na pinilit niya si Ragos na idiin si De Lima sa Bilibid drug trade
Itinanggi ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang akusasyon ni dating BuCor OIC Rafael Ragos na pinilit at tinakot niya ito para idawit sa illegal drugs case si Sen. Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, kasinungalingan ang pahayag ni Ragos na pinuwersa niya ito upang ituro at idiin si De Lima sa kalakalan ng iligal na droga sa Bilibid.
Aniya pinanumpaan ni Ragos sa Kamara at Senado ang mga alegasyon laban kay De Lima.
Sumalang din aniya si Ragos sa mga paglilitis ng Muntinlupa court kung saan inulit ang mga rebelasyon nito.
Wala rin aniya itong nabanggit na anumang coercion at intimidasyon sa kanya sa limang case conferences ng mga DOJ prosecutors
Dahil dito, duda si Aguirre sa timing at motibo ng retraction ni Ragos.
Tanong ni Aguirre bakit ngayon lang kung kailan malapit na ang eleksyon binawi ni Ragos ang mga testimonya nito?
Posible kaya aniyang ginagamit si Ragos para makakuha ng simpatiya mula sa mga botante si De Lima na mababa sa mga surveys?
Ang malinaw aniya ay may grudge o sama ng loob si Ragos dahil alam niyang humihingi ito dati ng back pay pero wala itong natanggap.
Nabatid din ni Aguirre na nais ni Ragos na maitalaga ito sa puwesto sa gobyerno pero binalewala ito.
Binigyang diin pa ni Aguirre na bilang abogado ay walang silbi ng piraso ng papel ang retraction ni Ragos hanggang sa ito ay may kaakibat na matibay na ebidensya.
Moira Encina