Ex-Health Sec. Garin, handang harapin ang kaso sa Omb. kaugnay ng Dengvaxia Anti-Dengue Vaccine
Naniniwala si dating Health Secretary at ngayo’y Iloilo Congresswoman Janette Garin na magsisilbing oportunidad ang isinampang kaso ng Ombudsman laban sa kaniya upang matuldukan na ang isyu ng Dengvaxia.
Ayon kay Garin, malinis ang kanilang konsensiya kaya handang harapin ang isyu na matagal nang ipinupukol at kumpiyansang mapasisinungalingan ang mga alegasyon sa tulong ng hard science.
Sinabi ng mambabatas na walang nangyaring realignment ng pondo dahil malinaw sa Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Department of Budget and Management (DBM) na gagamitin ito sa dengue vaccines para sa Central Luzon, CALABARZON at Metro Manila.
Paliwanag ni Garin, patuloy na tinatangkilik sa buong mundo ang Dengvaxia Anti-Dengue Vaccine at nakalista sa World Health Organization Essential Medicines na nangangahulugang binibigyan ng mandato ang lahat ng bansa na gamitin ito para sa mamamayan.
Nagtitiwala umano ang kongresista sa prinsipyo ng hustisya at due process na itinataguyod ng legal system sa bansa kaya mapatutunayan aniyang inosente siya at lalabas din ang katotohanan.
Kasong graft at technical malversation of public funds ang kakaharapin ni Garin at ilan pang dating health officials para sa school-based dengue vaccination program sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2016.
Vic Somintac