Ex-Presidential Spokesperson Atty. Roque, sinampahan ng disbarment complaint
Ipinagharap ng disbarment complaint sa Korte Suprema si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Ang disbarment case laban kay Roque ay isinampa ni dating PDP-Laban Secretary General Atty. Melvin Matibag.
Nais ni Matibag na patanggalan ng lisensya bilang abogado si Roque dahil sa pagpapakalat ng fake news sa social media.
Ayon kay Matibag, lumabag si Roque sa Code of Professional Responsibility and Accountability at lawyer’s oath dahil sa pagpost sa social media ng mga unverified information.
Partikular na tinukoy ni Matibag ang ukol sa sinasabing polvoron video ni Pangulong Bongbong Marcos na nagpapakita ng tila paggamit ng pangulo ng iligal na droga.
Sinabi ni Matibag na dahil dito ay nakagawa si Roque ng gross impropriety, serious dishonesty, fraud at making untruthful statements.
Moira Encina-Cruz