Ex- Wirecard official na idinadawit sa mahigit $2-B financial scandal sa Germany, sinampahan ng mga reklamo ng NBI sa DOJ
Ipinagharap ng NBI sa DOJ ng patung-patong na reklamo ang dating opisyal ng German payments firm na Wirecard na sinasabing sangkot sa mahigit US $2 bilyong financial scandal noong nakaraang taon.
Ayon kay Assistant State Prosecutor Honey Rose Delgado, sinampahan ng NBI at ng BPI sa DOJ si dating Wirecard executive Jan Marsalek, Atty.Mark Kristopher G. Tolentino at M.K. Tolentino Law Office, Joey Dela Cruz Arellano alyas Joey Cruz Arellano, Judith Singayan Pe, at ilan pang hindi tukoy na indibidwal.
Mga reklamong paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Electronic Commerce Act, General Banking Act, New Central Bank Act, at Falsification of Commercial Documents in relation to Cybercrime sa ilalim ng Revised Penal Code ang inihain laban sa mga respondents.
Isasailalim sa pagdinig ng mga itinalagang piskal ang reklamo para mabatid kung may probable cause para kasuhan sa korte ang mga respondents.
Ang iba pang hiwalay na reklamo na maaaring ihain sa hinaharap kaugnay sa nasabing isyu ay iku-consolidate sa complaint na isinampa ng NBI.
Si Marsalek na isang Austrian national ang dating nangangasiwa sa operasyon ng Wirecard sa Timog Silangang Asya.
Sinasabing ang nawawalang US $2.1 billion ng Wirecard ay inilagay sa dalawang bangko sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi pumasok sa financial system ng bansa ang nasabing salapi.
Itinanggi rin ng BPI at BDO na pumasok sa kanilang bangko ang pera.
Una nang kinasuhan ng NBI sa DOJ ang dalawang immigration officers na sinasabing nameke sa travel records ni Marsalek.
Nabatid ng NBI na pineke ang records ni Marsalek sa BI na nagpapakitang dumating ito sa Pilipinas noong June 23, 2020 at pumunta ng China sa sumunod na araw.
Ayon sa NBI, diversionary tactic ito para malihis ang atensyon ng European authorities na tumutugis kay Marsalek.
Moira Encina