Excise Tax, bakit nga ba hindi suspindihin
Magandang araw mga ka-isyu!
May tanong ako sa inyo, ngayong panahon ng eleksyon may naririnig ba kayong mga kumakandidato na nagpapahayag ng ukol sa oil deregulation law?
Wala! Bakit? Teka, campaign contributor ba ang mga may-ari ng mga malalaking oil company?
Nagtatanong lang naman kasi, hirap na hirap na ang taumbayan.
Alam po ninyo , may isa pang batas maliban sa oil deregulation law na pinagtibay sa administrasyon ni Pangulong Duterte .
Nakapagtataas ang oil companies ng presyo na hindi umaangal ang gobyerno dahil sa naniningil ang government ng excise tax.
Samakatuwid, sa pagtataas ng presyo ng oil companies, nakikinabang ang gobyerno.
Totoo po ito. Actually, naiintindihan naman natin ang gobyerno talagang nangangailangan ng pera lalo na nga ngayong pandemya.
Ang daming gastusin, ang daming gugulin at malaki ang bahagi ang nakukuha mula sa excise tax na ‘yan.
Sa panahong ito ni Pangulong Duterte ay may batas na nilagdaan at ito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o TRAIN Law, para sa dagdag na singil ng buwis sa mga inaangkat na produktong petrolyo.
May probisyon dito na puwedeng isuspinde ang excise tax na sinisingil ng gobyerno sa petroleum products kapag umabot sa 80 dollars per barrel ang inaangkat na langis.
Ang tanong natin, magkano na ba ang inaabot ng kada bariles sa world market?
Ang kada bariles ngayon dahil sa tensyon sa Ukraine ay 90 dollars per barrel, so, dapat na suspindihin na di ba?
Ang nakapagatataka, bakit linggo-linggo may pagtaas? Ibig bang sabihin weekly ay bumibili ng produkto?
Malinaw ang sistemang ginagamit , ang regulasyon na hinihingi ng Department of Energy sa mga oil company, dapat may 30 days na buffer stock.
Nangangahulugan na kailangan may reserba para kahit wala pang dumating na suplay ng langis na imported ay kaya nating mag -survive sa loob ng isang buwan.
Ibig sabihin, ang ibinebentang langis sa atin ay nabili na nila two months ago partikular ang mga malalaking oil company lalo pa nga at sila ang may kakayahang bumili ng raw materials or hilaw na produkto dahil sa sila ang may refinery.
Kung ganun, bakit weekly nagtataas ang presyo ng petroleum products?
Ang sagot, ang tatlong malalaking kumpanya ng langis na bumibili ng hilaw na produkto sa Gitnang Silangan ay sinasabayan ang small players.
Ano ang ibig sabihin nito? Ganito po ‘yun, under the Oil Deregulation Law, pinapasok ang small players, ang mga ito ang walang kakayahang magrefine dahil wala silang refinery unlike ‘yung mga malalaking oil company .
Ang mga small player na ito ay bumibili ng finished products sa Singapore.
Natural, magkaiba ang presyo ng hilaw at luto o finished product.
Ang ginagawa ng big oil companies sinasabayan nila ang presyo ng small oil players.
Dahil dito, nasira ang layunin ng oil deregulation law.
Maganda sana kaso nagkaroon ng ‘kutsabahan’, nagkaroon ng cartel.
Palibhasa mga negosyante, nag -usap-usap, ayun, tubong lugaw.
Sa nangyayaring ito na ayaw suspindihin ang excise tax,
Sino ngayon ang nahihirapan?
Sino pa kundi ang taumbahayan.