Executive Order na bubuwag sa Presidential Communicatons Office at lilikha sa Office of the Press secretary, pirma na lang ni Pangulong Duterte ang hinihintay
Umaasa si Presidential Communications Secretary Martin Andanar na mapipirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang proposal na isinumite sa office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea hinggil sa pagbabalik ng Office of the Press Secretary.
Sinabi ni Andanar na 2016 nang nagsisimula pa lamang ang Duterte administration at nagsisimula pa lamang siyang PCOO Secretary nang ipanukala niya ang pagbabalik ng Office of the Press Secretary gayundin ang pagtatalaga ng mga Press attache sa iba’t ibang consular offices ng Pilipinas sa labas ng bansa.
Ayon kay Andanar, maituturing itong streamlining dahil pag-iisahin na ang PCOO at ang tanggapan ng tagapagsalita ng Pangulo kung saan base sa kanyang proposal, kung sino ang Press Secretary ay siya na din ang tagapagsalita ng pangulo upang iisang tao na lamang ang magri-report sa Pangulo.
Kinumpirma din ni Andanar na nagsimula na ang reorganization sa Gabinete ng pangulo kung saan itinalaga na ni Pangulong Duterte si dating Congressman Teddy Boy Locsin bilang Foreign Affairs Secretary at pagtatalaga kay Secretary Salvador Panelo bilang tagapagsalita kapalit naman ni Secretary Harry Roque habang ilang posisyon ang naghihintay pang mapunan ng pangulo.
Kabilang dito ang binakanteng posisyon ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go, Secretary to the Cabinet at ang puwesto ni Presidential Political Adviser Francis Tolentino na kakandidato ding Senador.
Ulat ni Vic Somintac