Exit plan ng Pilipinas sa pandemya ng COVID-19, babalangkasin ng IATF sub technical working group – Malakanyang
Ipinauubaya ng Malakanyang sa Inter Agency Task Force o IATF Sub Technical Working Group ang pagbuo ng exit plan ng Pilipinas sa pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles ang IATF Sub Technical Working Group ay binubuo ng mga health, economic at security experts ng pamahalaan.
Ayon kay Nograles kung susuriin unti-unti ng isinasama ng IATF Sub Technical Working Group sa mga inilalabas na COVID-19 response guidelines ang exit plan ng bansa.
Inihayag ni Nograles sa tuwing niluluwagan ang mga restrictions habang ibinababa ang alert level sa ibat-ibang lugar laging kasama ang economic considerations at safety measures upang makabangon na ang bansa mula sa pagkakalugmok ng buhay at kabuhayan dulot ng pandemya ng COVID-19.
Niliwanag ni Nograles pinag-aaralan din ng IATF Sub Technical Working Group ang mga patakaran ng mga bansa sa Europa na nag-exit na sa COVID-19 pandemic kung aplikable ito sa Pilipinas bilang new normal.
Iginiit ni Nograles patuloy ang anti COVID-19 vaccination rollout ng pamahalaan upang makamit na ngayong taon ang population immunity laban sa coronavirus.
Vic Somintac