Export rules, hihigpitan ng EU para mapigil ang one-way flow ng vaccines
BRUSSELS, Belgium (AFP) — Hihigpitan na ng European Commission ang kanilang export guidelines, upang mapigilan ang nakikita nilang hindi patas na “one-way flow” ng bakuna.
Ikinagalit ng Brussels na inangkin ng Britain ang mga bakunang ginawa ng AstraZeneca sa isang planta sa Netherlands, habang ang UK-based firm ay nagkulan ng ipinangakong deliveries sa EU.
Habang nagpapatuloy ang “behind thescenes negotiations” sa gobyerno ng Britanya upang mapigil ang banta ng isang general vaccine export ban, kumikilos naman ang EU para higpitan ang kanilang export rules.
Ang hakbang na ang layunin ay para i-monitor ang exports mula EU territory at kung kinakailangan ay i-block ito, ay minsan nang ginamit para mapigilan ang AstraZeneca shipment na makaalis ng Italy patugo sa Australia.
Ayon sa AstraZeneca, ang kanilang kontrata sa UK government ay nagbibigay pahintulot sa Britanya para maging prayoridad sa ilang produksyon.
Si European Commission president Ursula von der Leyen, na suportado ng ilang EU leaders kabilang si Angela Merkel ng Germany, ay humihingi ng tinatawag niyang “reciprocity” sa vaccine exports, at nagbanta na ang AstraZeneca ay maaaring maharap sa export ban.
May babala rin sa draft document na ang ilang mga bansa na kasalukuyang exempted mula sa export controls,ay may mas maganda nang vaccination rate ngayon kaysa EU members, o nakararanas ng “less serious” coronavirus pandemic.
Nakapaloob sa draft ang pagsuspinde sa kabuuang talaan ng non-EU countries na una nang exempted mula sa mekanismo — na ang marami ay mas mahihirap na European neighbours — bukod pa sa ilang micro-states at territories gaya ng San Marino, Andorra at Faroes.
Nitong Martes, nagpahayag ng pag-aalala si British Prime Minister Boris Johnson tungkol sa hakbang ng EU, subalit umaasa na magkakaroon ng isang “negotiated solution.”
Ayon kay Johnson . . . “We in this country don’t believe in blockades of any kind of vaccines or vaccine material. It’s not something this country would dream of engaging in and I’m encouraged by some of the things I’ve heard in the continent in the same sense.”
Subalit una nang sinabi sa MEPs ni Sandra Gallina, head ng European Commission health directorate, na ang EU ay may seryosong problema sa AstraZeneca.
Ayon kay Gallina, ang Anglo-Swedish company ay nag-deliver ng wala pang quarter ng 100-million-plus doses na ipinangako nitong isu-supply sa unang tatlong buwan ngayong taon.
Ang Britain ngayon ay nahaharap na rin sa kakulangan sa AstraZeneca vaccine, matapos maantala ang inaasahang shipments mula sa malaking planta sa India.
Nais nitong maka-access sa AstraZeneca doses na ginagawa sa Netherlands, sa isang pabrika na inaasahang aaprubahan na para mag-operate, subalit nangangamba na maaaring pigilan ng Brussels ang deliveries mula sa ibang EU-based firms.
Bukod sa AstraZeneca, umaasa rin ang Britanya sa mga bakunang ginagawa sa Belgium para sa US at German firms Pfizer at BioNTech.
Sa ilalim ng export-checking mechanism na nilikha noong katapusan ng Enero, ang isang vaccine-maker ay kailangang humingi ng authorisation para makapagpadala ng doses sa labas ng bloc.
Hati ang mga miembro ng EU kung magpapatupad ng mas mahigpit na ban.
Nakikita ng ilan na ito ay daan para pwersahin ang pharmaceutical companies na igalang ang kanilang European delivery schedules, at partikular na tinukoy na ang EU ay nag-export na ng higit 10 milyong doses ng bakuna sa Britanya sa mga unang bahagi ng Pebrero hanggang kalagitnaan nitong Marso, subalit wala pang natanggap mula sa UK.
Ang iba naman gaya ng Netherlands ay nangangamba na mag-trigger ito ng retaliation, na sasakal naman sa international vaccine supply chains, habang ang Ireland ay nagpahayag ng pagtutol sa ban.
© Agence France-Presse