Extra rice na hindi nakakataba, pampahaba pa ng buhay

logo

Half rice or no rice. Ito ang madalas na naririnig natin lalong-lalo na sa mga kababayan nating nagda-diet.

Ayaw nilang madagdagan ang kanilang timbang kung kaya’t ang mga ganoong pamamaraan ay ginagawa sa paniniwalang hindi nga tataas ang timbang kung babawasan ang rice o tuluyan nang no rice.

Pero alam niyo ba na may alternatibo nang solusyon para sa hindi kayang kumain na walang kanin? At ang paraang ito ay healthier pa.

Ito ay sa pamamagitan ng pagkain ng Adlai rice na kilala rin sa tawag na Job’s tears sa ibang bansa.

Isinusulong na rin ng Department of Agriculture ang isang programa para sa pagtatanim ng Adlai rice upang matugunan ang malaking pangangailagan ng bigas sa bansa. Sa kasalukuyan ay sa Mindanao pa lamang matatagpuan ang maraming tanim na Adlai rice.

Ayon kay Ana Ma. Veluz, Science Research Specialist ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), ang Adlai rice ay itinatanim mula pa noong panahon ng mga sinaunang tribu sa bansa. Ito aniya ang staple food ng mga taga Mindanao.

Matatagpuan ang Adlai rice sa tropical part ng mundo tulad ng Eastern at Southern Asia, at kabilang sa grass family tulad ng karaniwang rice. Subalit kumpara sa ordinaryong bigas, ang Adlai rice ay gluten-free at may iba pang mga katangiang wala sa ibang bigas.

Nabangggit noon ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang virtual presser na aking dinaluhan na mas masustansiya ang Adlai kaysa sa mais, maging sa white rice at brown rice.

Popular aniya ang Adlai sa Bukidnon at unti-unti na ring nakikila sa Region 11.

Batay sa pag-aaral ng DOST-PNRI, dalawang beses na mas sagana sa protina ang Adlai rice kung ikukumpara sa regular rice na ating kinakain.

Makatutulong rin daw ang pagkain ng Adlai upang mapababa ang tsansa na madapuan ng tumor at iba pang sakit.

Mainam din sa mga diabetic ang Adlai rice batay na rin sa mga pagsusuri ng PNRI.

Base sa mga kwento, may ilang taga Mindanao ang umabot sa edad 160 years old dahil umano sa pagkain ng Adlai rice.

Ang Adlai rice ay maaaring maitanim kahit sa mga bulubunduking lugar at hindi nangangailangan ng patubig tulad ng palay.

Sa ngayon ay higit pang pinagaganda ang kalidad ng Adlai rice sa bansa sa pamamagitan ng nuclear science technology.

Ipinaliwanag ni Ms. Veluz na gumagamit ang PNRI ng teknolohiyang kung tawagin ay mutation breeding. Ito ay ang pagpaparami at improvement ng binhi ng Adlai gamit ang radiation.

Sa pamamagitan ng radiation process, lumalabas ang magagandang characeristics ng pananim na Adlai na pinag-aaralan ng PNRI.

Dahil sa teknolohiyang ito, nakapag-develop ang PNRI ng isang uri ng variety ng Adlai na mas madaling itanim, alagaan at anihin.

Bukod dito, mas matibay ang bagong variety ng Adlai na nadevelop ng PNRI laban sa mga kalamidad na tulad ng bagyo.

Nakita rin na mas marami ang naaning Adlai rice na isinailalim sa mutation breeding.

Sinabi rin ni Ms. Veluz na ang mga pananim na sumailalim sa mutation breeding gamit ang tinatawag na gamma rays ay hindi magiging radio active kung kaya’t ligtas na kainin.

Ayon pa kay Ms. Veluz, nakikipag-ugnayan sila sa Northern Mindanao Integrated Agricultural Research Center upang masuri ang performance ng Adlai seeds na dumaan sa radiation process.

Binigyang diin ni Ms. Veluz na malaki ang maitutulong ng pagtatanim ng Adlai sa buhay at maging sa kalusugan ng mga Pilipino kung kayat umaasa ang DOST-PNRI na tatangkilikin ng mas nakararaming pang mga Pinoy ang Adlai rice.

O, tara na, subukan nating kumain ng Adlai rice. Isang healthier na uri ng bigas na makatutulong na sa food security, panlaban pa sa hunger at poverty !

Please follow and like us: