Fabric facemasks, pwede pa ring gamitin pangproteksyon laban sa bagong variants ng COVID-19 ayon sa WHO
GENEVA, Switzerland (Agence France-Presse) – Inihayag ng World Health Organization (WHO), na wala itong planong palitan ang kanilang instruction na nagrerekomenda sa paggamit ng fabric facemasks, ngayong kumakalat na ang bagong variants ng coronavirus, dahil ang nag-mutate na strain ay naipapasa pa rin sa kaparehong paraan.
Ginawang mandatory ng Germany at Austria ang paggamit ng medical masks sa mga pampublikong transportasyon at sa mga pamilihan, kung saan FFP2 masks lamang ang pinapayagan sa halip na fabric, sa harap ng mga pangamba sa banta ng bagong virus mutation na mabilis na lumalaganap ngayon.
Sinabi ni Maria Van Kerkhove, COVID-19 technical lead ng WHO, na bagamat ang ilan sa mga bagong variant ay mas mabilis makahawa, sa mga pag-aaral na ginawa sa virus mutations sa Britanya at South Africa, walang indikasyon na ang paraan ng paglipat nito ay nagbago. Kumakalat pa rin ito sa kaparehong paraan.
Payo ng WHO, ang non-medical, fabric masks ay pwede pa ring gamitin ng publiko na wala pang 60 ang edad, at walang iba pang health conditions.
Samantala, inirerekomenda naman nito ang paggamit ng medical masks para sa health workers na nasa mga klinika, mga taong hindi mabuti ang pakiramdam, mga taong naghihintay ng COVID-19 test results o mga nagpositibo, at mga nag-aalaga sa mga taong hinihinala o kumpirmadong infected na ng COVID-19.
Inirerekomenda rin ito ng WHO sa mga may edad 60 pataas, o may health conditions, dahil mas mataas ang panganib na sila ay mahawaan at maging malubha ang kalagayan sakaling mahawaan.
Sinabi ni Van Kerkhove sa isang press conference sa Geneva, na walang plano ang United Nations (UN) agency na baguhin ang kanilang posisyon, at malaya aniya ang mga bansa na magdesisyon kung ano ang nakikita nilang marapat.
Patuloy aniya nilang titingnan ang mga ebidensyang kanilang nakita, subalit mula sa datos na kanilang nakita galing sa mga bansa na nagkaroon ng mga nabanggit na bagong variants, walang pagbabago sa paraan ng transmission nito.
Sakaling magkaroon ng pagbabago ay agad din nilang i-a-update ang kanilang guidance.
Ayon pa kay Van Kerkhove, ang fabric facemasks ay dapat na may tatlong layers para makapagbigay ng akmang proteksyon.
Batay sa guidance ng WHO, ang inner layer ay dapat na water-absorbent, gaya ng cotton; ang gitnang layer ay dapat na mula sa material na gaya ng non-woven polypropylene, na magsisilbing filter, habang ang outer layer ay dapat na water-resistant, gaya ng polyester.
Liza Flores