Facebook, nakaranas ng outage; Zuckerberg, humingi ng paumanhin
Humingi ng paumanhin ang CEO at co-founder ng Facebook na si Mark Zuckerberg, kasunod ng ilang oras na aberyang naranasan ng social networking site.
Nagtaka ang netizens (Martes ng madaling araw sa Pilipinas) dahil sa hindi ma-access ang Facebook, Messenger, Instagram at Whatsapp applications.
Batay sa datos ng Check-host na isang online website monotoring, ang facebook.com ay hindi ma-access sa lahat ng bansa maliban sa Iran.
Sa pamamagitan ng official Twitter account ng Facebook ay humingi ng paumanhin si Zuckerberg ukol dito.
Aniya . . . “We are aware some people are having trouble accessing our apps and products. We are working to get things back to normal as quickly as possible and apologise for any inconvenience.”
Bunsod ng nangyaring aberya, naapektuhan ang ilang produkto ng Facebook gaya ng marketplace, aid placing at ang mga gumagamit ng live feature nito para sa maliit nilang negosyo at live selling.
Ayon sa security experts, posibleng internal mistake ang pinagmulan ng problema ngunit maaari rin umanong pananabotahe.
Samantala, umabot sa pitong bilyong dolyar ang nawala kay Zuckerberg, dahil sa nangyaring aberya, at paglantad ng isang empleyado na nagbulgar sa umano’y mga problema sa Facebook products.
Nitong Lunes ay bumaba ng 4.9% ang stock ng kumpanya kaya’t bumaba rin ang net worth ni Zuckerberg, dahilan para bumaba siya sa pang-5 puwesto sa Bloomberg Billionaires Index.
Matatandaan na September 13 nang maglabasan ang serye ng mga balita tungkol sa mga dokumentong naglalaman umano ng mga problema sa Facebook products.
Ilan dito ang panganib na dala ng Instagram sa mental health ng mga dalaga, at maling impormasyon tungkol sa naganap na riots sa Capitol sa Estados Unidos noong January 6, at hindi pagpansin sa mga usapin sa publiko.
Ang naturang mga istorya ay napansin ng gobyerno, na nasundan pa ng paglutang ng isang whistleblower kahapon, Lunes.
Ayon sa Facebook, wala silang kasalanan at komplikado ang mga usaping may kinalaman sa pulitika at iba pa.