Faeldon tinawag na arogante, mga kongresista na umano’y nagla-lobby hinamong kasuhan
Hinamon ng mga Senador si Customs Commissioner Nicanor Faeldon na pangalanan at kasuhan ang mga mambabatas na umano’y nagla-lobby at nang-iimpluwensya sa Bureau of Customs.
Ayon kay Senador Francis Escudero, masyadong seryoso ang alegasyon ni Faeldon at hindi tamang idinadamay ang lahat ng mambabatas.
Sinabi ni Escudero na mismong ang Pangulo ay ayaw sa mga tiwaling opisyal katunayan ang kampanya nito laban sa corruption sa burukrasya.
Sa ganitong paraan, mapapatunayan rin aniya ni Faeldon na seryoso ito sa paglilinis sa kaniyang hanay.
Tinawag naman ni Senador Panfilo Lacson na arogante si Faeldon matapos kastiguhin ang mga kongresista sa pagdinig kahapon at pagsabihan na tigilan na ang pagla-lobby para sa promosyon ng ilang empleyado.
Ayon kay Lacson, kahit sinabi ng Pangulo na may kumpiyansa pa ito kay Faeldon, hindi pa ito dapat magpakasiguro na mananantili sa pwesto dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Kongreso.
Malinaw aniya ang pahayag ng Pangulo sa meeting nito sa mga mambabatas na ibabase sa resulta ng imbestigasyon ng Kamara at Senado ang gagawing aksyon laban kay Faeldon.
Ulat ni: Mean Corvera