Fall army-worm, nagsimula nang manalasa sa mga maisan sa Region 2
Nagsimula nang manalasa sa ilang mga maisan sa Region 2 ang pesteng tinatawag na fall army-worm.
Sa panayam kay Professor Mario Navasero, isang Entomologist, dati lamang itong lumalabas sa kontinente ng Amerika pero kumalat na ito sa Africa at sa Asya.
Paliwanag ni Navasero, umaatake ang peste na ito sa mga pananim na mais at unang-una nilang kinakain ang pinakagitna at mga umuusbong na batang dahon.
Pero kapag may bunga na ang mais ay kakainin din ng mga ito ang bunga ng mais.
Nakarating aniya ang mga peste na ito sa mga maisan sa bansa dahil migratory ang mga ito at may kakayahang lumipad ang mga ito ng malayo dala ng hangin.
Ang kaya anyang sirain ng mga ito ay ang mga puting mais at mga open-polynated crops.
Pero ayon kay Navasero, dahil maagang na-detect ang mga pesteng ito sa Pilipinas, maaari pang gamitan ito ng mga insecticide habang naghahanap pa ng mga biological control agent.
Nanawagan din si Navasero sa mga magsasaka na agad makipag-ugnayan sa kanilang mga regional Agriculture offices sakaling may makitang bagong peste sa kanilang taniman.