Farmers Group sang-ayon sa importasyon ng bigas

Sang-ayon ang grupong Federation of Free Farmers sa pangangailangan para sa importasyon ng bigas upang punan ang magiging kakulangan sa supply ng bansa.

Bagama’t sinasabi ng Marcos administration na may 39 na araw na buffer stock ng bigas ang bansa, sinabi ni Raul Montemayor, national manager ng Federation of Free Farmers, na hindi sasapat ito.

Sa panayam ng programang Ano sa Palagay Nyo? o ASPN sa NET25, sinabi ni Montemayor na sa Oktubre pa ang anihan ng palay o malamang ay ma-delay pa sa Nobyembre dahil sa epekto ng bagyong Egay at habagat.

Kung magkakagayon, 60 araw aniya ang kailangang punan para sa supply.

“Pagdating ng September baka kulangin kung walang importasyon, hindi maasahan ang local production kasi ngayon may nagtatanim pa, magkakaroon pa yan ng delay dahil sa bagyo kaya baka November pa nag-ani. Ang immediate problem yung August at September, paano maitatawid hanggang dumating yung October… kung 60 days ang kailangan, ang supply ay 39 days lang, tama yung 1 million tons na sinasabi nila, tama ang estimate nila” pahayag ni Montemayor.

Pero bukod sa supply, isa rin aniya sa pangamba ngayon ay ang magiging presyo nito.

Hinihikayat ng Department of Agriculture ang pribadong sector para sa pag-a-angkat ng bigas ngunit sinabi ni Montemayor na nag-a-atubili dito ang mga importers.

Dahil sa pagpapahinto ng India na mag-export ng white rice, nire-renegotiate ngayon ng Vietnam at Thailand ang mga nai-kontrata nang bigas.

“Ang problema hindi lang naghihigpit ang mga exporter, tumataas din ang presyo at yung local traders and importers nagda-dalawang isip kung magpapapasok at kung kaya itulak nang hindi malulugi. May ganyang agam- agam kaya matumal ang dating ng imports. Yung supplier nila na nakontrata sa mababang presyo, tinatalikuran ang kontrata, ibinebenta ang bigas sa ibang buyers, yun ang suppy. Yun ang delikado, hindi lang pagtaas sa presyo, very tight supply din pagdating ng September,” paliwanag pa ni Montemayor.

Sa ngayon, halos 80 to 85% ng rice imports ng bansa ay mula sa Vietnman, kulang 10% naman sa Thailand, sinusundan ng Myanmar at wala pang isang porsyento mula sa India.

Pero ang ban ng India ay mangangahulugan ng kakapusan ng supply sa Africa at Middle East kaya’t magtatakbuhan aniya ang mga ito sa Vietnam at Thailand para sa supply ng bigas.

Apela naman ni Montemayor na repasuhin ng gobyerno ang importation policy nito at tiyakin na hindi ito magre-resulta sa higit na pahirap sa mga magsasaka gaya pagbabawas sa taripa ng mga imports na makaka-apekto na naman sa kita ng mga magsasaka.

“Sana makahanap sila ng solusyon na win-win sa consumer at farmers,” dagdag pa ni Montemayor.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *