FB page ng DITO Telecommunity Corp., inulan ng mga reklamo
Inulan ng reklamo mula sa mga dismayadong customer ang social media page ng DITO Telecommunity Corporation.
Ang DITO ang ikatlong telco sa bansa.
Sa mga nakalipas na araw, patuloy ang reklamo ng mga netizen sa anila’y palpak na serbisyo ng DITO.
Sa comment ng mga subscribers, apektado na umano ang kanilang trabaho at iba pang gawain araw araw.
Inirereklamo nila ang mahina o ‘di kaya naman ay walang signal, mabagal o walang internet connection.
Maging ang app ng network hindi rin umano gumagana at SIM cards na hindi compatible sa ibang phones.
Pinuna rin nila ang patuloy na promotion ng DITO gayong palpak naman ang serbisyo nito.
“Lima, Batangas here subrang bagal ng net nyo ultimo mag update lng ako ng app nyo sa Google play store halos aabutin ng 1hr para lng e update 2022 na po DITO,” reklamo ng isang customer.
“Can you explain to us. When the year 2022 started your signal has been down from 3-4pm everyday. Cainta area” reklamo pa ng isang customer.
“20GB pa load ako kaninang umaga tas biglang di na gumana akala ko naubos na tas nagload ako di pa pumapasok yung load sana naman maayos,” reklamo pa ng dismayadong customer.
Noong nakaraang taon inulan din ng mga reklamo mula sa subscribers ang DITO kaya naman si Sen. Risa Hontiveros ay hiniling sa Department of Information and Communication Technology na i-monitor ang serbisyo ng nasabing telco.
Giit ni Hontiveros, nangako ang DITO ng 55 mbps internet speed na kayang abutin ang 84% ng populasyon sa loob ng 5 taon.
Nitong Disyembre, iniulat ng DITO na aabot na sa halos 5 milyon ang kanilang subscribers.
Madelyn Moratillo