FDA nakapagtala pa rin ng breakthrough infection sa hanay ng mga fully vaccinated
Kahit fully vaccinated na kontra Covid-19, may ilan pa rin ang tinatamaan ng virus.
Sa datos ng Food and Drug Administration, may 116 kaso ng breakthrough infection pa rin silang naitala sa hanay ng mga fully vaccinated.
Ito ayon kay FDA Director General Eric Domingo ay iyong 2 linggo na ang nakalipas mula ng maturukan sila ng 2nd dose ng bakuna.
Pero sa bilang na ito, 88% aniya ang mild at asymptomatic, 11% naman ang naospital habang may 1 ang nasawi.
Paliwanag ng opisyal, noon pa man ay sinasabi na nila na walang 100% efficacy ng bakuna.
Kung titingnan aniya, ang breakthrough infection na ito ay .0013% lamang ng 9.1 milyong fully vaccinated dito sa bansa.
Ayon kay Domingo, makalipas ang 2 linggo mula ng maturukan ng pangalawang dose ng Covid 19 vaccine, may 91 na nabakunahan ng Sinovac Vaccine ang tinamaan pa rin ng virus habang may 1 ang nasawi, 24 naman sa Astrazeneca, at 1 sa Pfizer.
Wala namang naitalang breakthrough infection mula sa mga naturukan ng bakuna ng Sputnik V, Modern at Janssen.
Paliwanag ni Domingo, ang mga bakuna ng Sinovac at Astrazeneca ang pinakamaraming dose na naiturok sa bansa.
Madz Moratillo