FDA, hinihintay pa ang resulta ng clinical trial ng Sinovac vaccine sa mga nasa edad 12 hanggang 17
Dalawang bakuna pa lamang kontra Covid-19 ang maaaring magamit sa mga kabataan sa bansa.
Ito ang Covid-19 vaccine ng Pfizer BioNTech at Moderna.
Ayon kay Food and Drug Administration Director General Dr. Eric Domingo, bagamat nagpasabi na ang Sinovac ng China na nais rin nilang mag-apply ng Emergency Use Authorization para magamit ang kanilang bakuna sa mga mas batang edad, nakukulangan pa sila sa clinical trial nito.
Ayon kay Domingo, hihintayin muna nilang matapos ang clinical trial phase 3 na ginagawa ng Sinovac para makita kung epektibo at ligtas rin ang bakuna sa mga nasa edad 12 hanggang 17 anyos.
Sa ngayon wala pa aniyang ibang vaccine manufacturer ang nag-aaplay ng EUA para magamit ang kanilang bakuna sa mas batang edad maliban sa mga nabanggit.
Tiniyak naman ni Domingo na lahat ng aplikasyon na inihahain sa kanila ay dumadaan sa masusing pagsusuri bago ito aprubahan.
Ngayong Oktubre target ng gobyerno na masimulan ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17.
Pero ito ay para sa mga may comorbidities lamang.
Kabilang sa mga ospital kung saan unang isasagawa ang pagbabakuna ay sa Philippine Children’s Medical Center, National Children’s Hospital, Philippine Heart Center, Pasig City Children’s Hospital, Fe Del Mundo Medical Center, at Philippine General Hospital.
Madz Moratillo