FDA hinimok ng mga Senador na pag-aralan ang ginawa ng US at Singapore na pagbabakuna sa mga kabataan
Hinimok ng mga Senador ang Food and Drug Administration na pag-aralan ang ginawa ng Estados Unidos at Singapore na pagbabakuna laban sa COVID- 19 sa mga batang may edad 12 hanggang 15 anyos.
Ayon kay Senator Sonny Angara, makakatulong ang hakbang na ito sa unti -unting pagbubukas ng mga eskwelahan.
Dapat aniyang laging maging maagap ang pamahalaan sa pagkilos at pagpapalawak ng mga laban sa COVID-19 sa ibat – ibang age groups.
Ang pagbabakuna aniya sa mga kabataan ay magsisilbing tugon sa isa sa pinakamalaking populasyon ng bansa.
Ayon kay Angara, aabot sa 28 million ang populasyon ng mga kabataang nasa Basic Education sa Pilipinas habang nasa 3.4 million naman ang nasa tertiary Education.
Giit ng Senador hirap ang mga mag-aaral sa set up ng distance learning dahil sa mahinang internet at hindi rin kumpleto ang mga kagamitan nila sa pag-aaral sa bahay.
Sa kasalukuyan kasi hindi pa nakatatanggap ng mga bakuna kontra COVID 19 ang mga bata na wala pang labing walong taong gulang kumpara sa Estados Unidos.
Ayon naman sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, dapat ngayon pa lang nagsisimula na ang paghahanda ng lokal na pamahalaan para sa maayos at mabilis na pamamahagi ng mga bakuna sa mga kabataan.
Meanne Corvera