FDA iginiit na karamihan ng naitalang adverse events matapos mabakunahan kontra Covid-19, coincidental lang
Ang pagtaas ng blood pressure ang pinakapangkaraniwang adverse reactions na naitala ng Food and Drug Administration sa mga nabakunahan kontra Covid-19.
Bukod rito ayon kay FDA Director Gen Eric Domingo, ilan pa sa karaniwang adverse effects na naramdaman ng mga nabakunahan ay lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng lugar kung saan tinurukan ng bakuna, malaise, chills, pananakit ng kalamnan, ubo, pagkahilo at fatigue.
Pero giit ni Domingo, mayorya ng mga ito ay hindi dahil sa bakuna at coincidental lamang. Binigyang diin ng opisyal na ang mga bakuna kontra Covid-19 na ginagamit dito sa bansa ay ligtas at epektibo.
Bagamat wala naman aniyang bakuna na matatawag na risk free, magkaroon man ng side effects, karaniwan rito ay mild lamang.
Ayon kay Domingo, hindi naman maaaring matukoy agad ang posibleng maging epekto ng bakuna sa isang indibiwal kaya mahalagang sundi ang mga nakalagay na contraindication para maiwasan ang panganib.
Batay sa datos, sa mahigit 33 milyong doses ng Covid 19 vaccine na naiturok dito sa bansa, .18% lamang ang nakitaan ng adverse effects.
Karamihan umano rito ay mild lamang.
Madz Moratillo