FDA inatasan ang mga online stores na Shopee at Lazada na itigil ang pagbebenta ng mga gamot
Inatasan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga online stores na Shopee Philippines at Lazada Philippines na agad na itigil ang pagbebenta ng mga gamot.
Ito ay sa pamamagitan ng Summons with Preventive Measure Order na isinilbi ng Regulatory Enforcement Unit ng FDA.
Ayon sa FDA, pinapatigil nila ang Shopee at Lazada sa pagbebenta at pagaalok online ng mga gamot hanggat sa hindi pa ang mga ito nakakakuha ng License To Operate mula sa FDA.
Sinabi ng FDA na ang patuloy na online selling ng mga drug products ay maglalagay sa panganib sa buhay ng publiko.
Una nang naglabas ng advisory ang FDA noong June 11 na nagbabala sa publiko laban sa online na bentahan ng mga gamot gaya ng antibiotics at steroids.
Patuloy naman na binabalaan ng FDA ang publiko na iwasang bumili ng mga health products na ibinibenta online.
Ulat ni Moira Encina